Sa wari'y may ulo, ba’t dagling nabasyo,
Kaukulang asal? nagmaliw, 'di tanto,
Kilos man ay ligal, umaayon ba ‘to?
Sa tumpak na asal, at dangal ng tao?
Sadyang marami ba, mga pagkukulang,
Na dapat pagtakpan, sa kinabukasan?
Sala’y uusigin, nitong madlang-bayan,
Kaya’t puso'y iwas, sa katotohanan.
Ang punong nag-ugat, sa pitak ng muhi,
May sibol na inggit, at tusong ugali,
Kasinungalingan, ang labi’y hirati,
Parusa sa bayang, lugmok sa pighati.
Paano nalukluk, sa trono ng bayan,
Batid naman natin, lahat ay may alam,
Kaya’t karipas na, sa kapangyarihan,
Lango na’y, tungga pa, walang kasiyahan.
Lahat may simula’t, may katapusan din,
Pasasaan baga’t, araw ay darating,
Ang hiyas na kupit, sa bayang kulimlim,
May takdang panahon, na maglalaho rin.